MANILA, Philippines - Nangangamba ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hingil sa paggamit ng “mephentermine” bilang potensyal na kapalit ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang mephentermine ay isang uri ng pampasigla at may kahalintulad na epekto at katangian sa shabu, pero mura ang halaga.
Gayunman, hindi ito kabilang sa listahan ng mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang malaking doses ng mephentermine ay makaka-epekto sa central nervous system ng utak at nakapagpapataas ng blood pressure at sakit sa puso. Bagama’t ang sentro ng epekto ng droga ay mas mababa kaysa sa amphetamine.
Dagdag pa nito, ginagamit na rin umano ang mephentermine ng mga pushers sa kanilang iligal na transaksyon, para iligaw ang awtoridad na mapagkakamalang ang kanilang ibinebenta sa ginawang buy-bust operation ay shabu. Ito ay dahil na rin sa ang mephentermine ay kahawig ang kulay at uri ng shabu.