MANILA, Philippines - Isang naaagnas na bangkay ng isang batang lalaki ang namataang palutang-lutang sa Pasig River, sa bahagi ng Parola compound, Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni SPO2 Milbert Balinggan, ng Manila Police District-Homicide Section, ang bangkay na nasa edad na 10 hanggang 15, at tanging checkered na kulay pink na shorts lamang ang kasuotan.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang isang concerned citizen ang nakakita sa lumulutang na bangkay kaya ipinagbigay-alam sa Philippine Coast Guard-Delpan Detachment, na siyang nag-ahon sa bangkay.
Ayon kay Balinggan, nabubulok na ang bangkay na posibleng may ilang araw nang patay.
Inilagak ito sa Funeraria Cruz para sa safekeeping at posibleng iawtopsiya para matukoy kung nalunod lamang ito habang naliligo o sadyang pinatay.
Nanawagan na rin si Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section, sa mga nawawalan ng kaanak na tumutugma sa deskripsiyon ng nasabing bata.