Metro Manila muling binaha

MANILA, Philippines - Dumanas na naman ng mga pagbaha ang ilang lugar sa Metro Manila sanhi ng malalakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon na nagbunsod rin ng pagkansela ng mga klase at pagkabuhul-buhol ng daloy ng trapiko, ayon sa opisyal kahapon.

Ayon kay National Di­saster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos dulot ng mga pagbaha ay hindi madaanan ng lahat ng uri ng behikulo ang kahabaan ng Pedro Gil-Taft at España-Lacson; hindi naman madaanan ng mali­liit na uri ng behikulo ang Ramon Magsaysay Blvd.-Pureza, Ayala-San Marcelino, P. Burgos, Lagusnilad, UN-Taft; hanggang gulong ng sasakyan ang baha sa Quirino.

Una nang nag-isyu ng red warning signal ang PAGASA na ibinaba na sa yellow­ warning signal habang papalabas ang bagyong Karen kung saan inaasahan pa rin ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan at ayon kay Ramos ay dapat na maging vigilante ang mamamayan sa Metro Manila­.

Sa San Juan City ay inilikas ang mahigit 100 pamilya matapos bahain simula ala-1 ng madaling-araw ang pitong ba­rangay dito na kinabibilangan ng Balong Bato, Perfecto, Rivera­, Salapan, Batis, Kabayanan at C.M. Recto.

Kabilang pa sa mga binahang lugar ay ang Blumentritt, Dapitan, Laon Laan at Maysilo, Manila City Hall, UN Avenue na hanggang gulong ng sasakyan.

Sa Makati City, umabot sa tatlong talampakan ang pagbaha sa De la Rosa, Brgy. Bangkal at P. Binay St. habang 12 inches naman sa Hen. Belarmino.

Iniulat rin ang mga pagbaha sa Brgy. Bangkal, Hen. V Lim, Brgy. Tejeros, Davila at Mascardo St. J.P. Rizal cor. Chino Roces, Pasong Tirad St., Brgy. La paz, Archimedez St., Brgy. San Antonio at iba pa sa nasabing lungsod.

Sa Quezon Avenue south bound ay hindi rin madaanan ng anumang uri ng behikulo ang Maria Clara patungong Araneta at uma­bot naman ng hanggang baywang ang baha sa E. Rodriguez Boulevard.

Samantalang bunga rin ng malalakas na pag-ulan ay nagkansela ng klase ang maraming mga iskul sa Metro Manila.

Magugunita na noong unang bahagi ng Agosto ng taong ito ay nagmis­tulang ‘waterworld’ ang Metro Manila at mga karatig lugar dulot ng malalakas na pag-ulan dala ng southwest monsoon.

Show comments