Kutsero na nagsoli ng 4000 Euro pinarangalan
MANILA, Philippines - Pinarangalan ng Rizal Park Award ang kutsero na nagsauli ng pitaka ng isang turistang Pranses sa Luneta kahapon ng umaga.
Ipinagkaloob kay Jaime Mayor ang award kasama ang P20,000, souvenir shirt mula sa Department of Tourism at special limited edition ng Uni-Silver Time na relo sa harap mismo ng rebulto ni Gat Jose Rizal.
Nabatid na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbigay ng nasabing pagkilala ang National Parks and Development Committee sa isang mamamayan na hindi empleyado ng kanilang tanggapan.
Ayon pa sa NPDC ang ipinakitang katangian ni Mayor ay isang magandang halimbawa na karapat-dapat na kilalanin at ipagmalaki hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Matatandaang naisakay ni Mayor ang isang grupo ng turistang Pranses mula sa Rizal Monument patungo sa Heritage Trail nang mahulog ang wallet ng isa sa mga ito mula sa kanyang backpack.
Hindi nag-atubili si Mayor na pulutin agad ang pitaka na may lamang humigit kumulang 40 piraso ng 100 euro money o katumbas ng P272,000 at isinauli sa turista.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor sa natanggap na pagkilala.
- Latest
- Trending