5 na namang QC police, inireklamo
MANILA, Philippines - Lima na namang police na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) ang nasa “hot water” ngayon matapos silang ireklamo dahil sa umano’y ginawa nilang pag-torture sa isang binata at kasama nito noong Setyembre 4 ng taong kasalukuyan sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang mga pulis na sina SP01 Marlon Lubaton; SPO1 Byan Viola; PO3 Patricio Gayo; P03 Gedan Porras at PO2 Erul Politud, pawang mga nakatalaga sa Station 4, QCPD sa may Novaliches, Quezon City na inireklamo sa tanggapan ni Senior Supt. Robert Quenery, hepe ng Investigation, R-7 ng NCRPO.
Base sa sinumpaang salaysay ng biktimang si Melchor Farinas, 27, ng Caloocan City, naganap ang insidente noong Setyembre 4 dakong alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng Damong Maliit, panulukan ng Dantes Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Farinas, habang sakay siya ng isang motorsiklo, kasama ang kaibigang si Wilberto Delfin ay nasalubong nila ang isang mobile patrol car ng Station 4 ng QCPD sakay ang limang suspek na pulis.
Bigla silang sinita ng mga pulis, dahil wala silang suot na helmet at paso na umano ang rehistro ng gamit nilang motorsiklo, dahilan upang dalhin sina Farinas at Delfin sa presinto para sa berepiskayon.
Matapos magsagawa ng berepikasyon dahil sa walang makitang kahina-hinala sa mga ito ay pinalaya rin ang mga ito at nalaman din na ang dalang baril ni Farinas na caliber .40 Ruger ay may kaukulang legal na dokumento o lisensiyado.
Hindi pa man nakakalayo sina Farinas at Delfin sa Station 4, QCPD ay biglang dumating ang isang lalaki at isang babae sa nabanggit na presinto, na sinasabing sila ay naholdap at habang kinakausap ang mga ito ng mga pulis, bigla na lamang itinuro na sina Farinas at Delfin ang nangholdap sa kanila. Dito na sinampahan ng mga pulis ng kasong robbery, physical injury, illegal possession of firearm and deadly weapon, paglabag sa hindi pagsusuot ng helmet at paggamit ng expired na rehistro ng motor.
Nabatid, na matapos ipa-medical at bago ipasok sa selda sina Farinas at Delfin, sumailalim ang mga ito sa matinding torture at sinabi pa umano ni P03 Gayo, na kapag binalikan sila ng demanda ng dalawa ay aaregluhin na lamang aniya sila.
- Latest
- Trending