MANILA, Philippines - Dalawang holdaper ang nabaril at napatay matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga awtoridad makaraan ang ginawang panghoholdap sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at Maynila.
Sa Quezon City, hindi pa nakikilala ang nasawing suspect na nakasuot ng maong na short pants, asul na t-shirt na may tatak ng basketball, may tattoo sa katawan tulad ng Sputnik sa dibdib, may taas na 5’5’’, may kaputian at nasa pagitan ng edad na 30-35.
Ang suspect ay nabaril ng mga nakasibilyang nagsilbing police marshal na sina SPO3 Wahab Mangundangan at PO3 Conery Corillo, mga nakatalaga sa Police Station 5 dakong alas-9:10 ng umaga sa may Belfast Avenue corner Mindanao Avenue, Brgy. Greater Lagro.
Sakay ng pampasaherong jeepney (PXV-173) na minamaneho ng isang Jerry Mariano, ang dalawang suspect kasama ang ilang pasahero na kinabibilangan ng dalawang police marshal nang pagsapit sa naturang lugar ay nagdeklara ang mga suspect ng holdap.
Ayon kay Mariano, pagkadeklara ng mga suspect ng holdap hawak ang kalibre .45 ay agad siyang yumuko, hanggang sa marinig na lang niya ang mga putok ng baril. Matapos ang putukan ay nakita na lamang ang isa sa mga suspect na duguang nakahandusay sa naturang sasakyan. Habang nakatakas ang isa pang kasamahan nito.
Sa Maynila naman, hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital ang suspect na si Ronnel Francisco, 25, miyembro ng Sigue-Sigue Commando at residente ng Raxabago St., Tondo, dahil sa tinamong tama ng bala mula sa baril ni PO2 Berlindo Serrano, nakatalaga sa MPD-Station 1.
Dakong alas-8:45 ng gabi nang holdapin umano ng suspect ang biktimang si Rosauro Cordobre, 31, sa kanto ng Lacson at J.P. Rizal Sts., Tondo. Nang nakalayo ang suspect, humingi ng tulong si Cordobre kay Serrano at kasamahang sina PO3 Boco at PO2 Delos Santos na sinundan ang suspect na nang masukol ay agad na pinaputukan ang mga pulis, kaya gumanti na rin ng putok ang mga huli na nagsanhi sa pagkamatay ng holdaper.