Lim sa publiko: Tumulong sa paglutas ng krimen
MANILA, Philippines - Dahil sa paglaganap ng krimen sa Metro Manila, umapela si Manila Mayor Alfredo Lim sa publiko na tumulong sa paglutas ng krimen at ireport sa mga awtoridad ang suspect na responsable sa iba’t ibang krimen.
Sa kanyang pagsasalita sa pagdiriwang ng Crime Prevention Week sa San Andres Gymnasium, sinabi ni Lim na wala namang ibang makatutulong sa paglutas ng krimen kundi mismo ang mamamayang nabibiktima.
Ayon kay Lim, bagama’t responsibilidad ng kapulisan na lutasin ang mga krimen, dapat ding magkaroon ng partisipasyon ang mga sibilyan sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan at kanilang nasaksihang krimen.
“Unang una, kulang tayo sa mga modern at sophisticated criminal laboratory equipments. Para ma-solve ang isang kaso, kinakailangan natin ang impormasyon, kailangan may mag-tip na nakakaalam sa kaso at i-inform nila ang ating kapulisan. Manggagaling ang mga impormasyon sa inyong mga mamamayan, dahil ang mga pulis, kahit gaano pa sila kagaling, hindi naman pwedeng manghula ang mga ’yan,” ani Lim.
- Latest
- Trending