Illegal recruiter ng OFW na binitay sa China, timbog sa NBI
MANILA, Philippines - Hindi na nakalusot pa sa ikalawang pagkakataon ang isang notoryus na illegal recruiter matapos na muling maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) nang maglabas ng panibagong warrant of arrest dahil sa kahalintulad na kaso sa Cauayan, Isabela.
Ayon sa NBI, nadakip si Tita Cacayan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Manila RTC at Isabela kaugnay sa paglabag ng Section 6 ng RA 8042 o Illegal Recruitment in Large Scale.
Matatandaan na una nang naaresto si Cacayan noong 2011 dahil sa iligal nitong pagre-recruit kabilang si Sally Ordinario na nabitay sa bansang China ang kanyang nabiktima matapos itong mahulihan ng shabu sa kanyang bagahe.
Sinasabing si Cacayan umano ang nagbigay ng traveling bag ni Ordinario patungong China na naglalaman ng ipinagbabawal na droga.
Inakyat ng NBI ang kaso sa Department of Justice (DOJ) at sinampahan ng kasong paglabag ng Section 5 ng RA 9165 at Section 6 ng RA 8042 si Cacayan ngunit nakalaya rin ito dahil sa hindi pagsipot ng tumatayong testigo.
Subalit nitong September 8, 2012 ay muling inaresto si Cacayan nang magbaba ng warrant ang RTC Branch 20 ng Cauayan City, Isabela.
Si Cacayan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI.
- Latest
- Trending