Bagitong parak, inireklamo ng pananapak
MANILA, Philippines - Dumulog sa Manila Police District-General Assignment Section ang isang jeepney driver na sinapak, tinakot, tinutukan ng baril at pinagmumura umano ng isang lasing na pulis sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dahil dito, nakatakdang ipatawag ng MPD-GAS ang suspect na si PO1 Ed Allan Talaguit, 24, beat patroller ng MPD-Station 8 (Sta. Mesa), na inireklamo ng biktimang si Albert Toribio, 20, jeepney driver at residente ng Sta. Ana.
Ayon sa ulat ni PO3 Jay-Jay Jacob, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa New Panaderos St., Sta. Ana, Maynila.
Lasing umano ang pulis at may kasama ito nang sitahin ang biktima sa hindi malamang dahilan.
Matapos pagmumurahin ay sinapak pa ng pulis sa panga ang driver bago tinutukan pa ng baril.
Anang biktima, kausap lamang niya ang karelyebo niyang driver kaya nagulat siya nang gawin iyon sa kanya ng lasing na pulis.
Ka-lugar ng biktima ang suspect subalit natakot siya dahil may baril ito kaya siya nagpumiglas, tumakbo pero hinabol pa rin siya ng pulis subalit nakahingi siya ng tulong sa kalapit na MPD-Station 6, kung saan siya unang nagsampa ng reklamo bago inendorso sa MPD-GAS.
- Latest
- Trending














