MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang diumano’y chief of staff ng isang mataas na opisyal ng Department of Justice (DOJ) dahil sa pangingikil ng P250,000 sa isang babae na may kinakaharap na kasong adultery.
Nabatid sa ulat ni NBI spokesman Cecilio Zamora na ang suspect ay kinilalang si Mutya Santiago, ng Guiguinto, Bulacan, na sinampahan na ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office ng robbery extortion, bagamat pinapayagan siyang maglagak ng piyansang P100,000 para sa pansamantalang kalayaan. Siya ay sinasabing chief of staff ni DOJ Senior Deputy State Prosecutor Severino Gaña.
Samantala, isa pang alyas “Louie” ang umano’y kasabwat ni Santiago sa pangongotong.
Naganap ang pag-aresto kamakailan sa loob mismo ng DOJ building kasunod ng inihaing reklamo ng dating beauty queen at international ramp model Nuriya Abeja na may nakabinbing kaso sa DOJ noon pang nakalipas na taon.
Sa reklamo ng beauty queen, humihingi ng nasabing halaga si Santiago kapalit ng pabor na desisyon sa kasong adultery na inihain ng kanyang asawa sa Makati City Prosecutor’s Office noong 2011.
Nang i-dismiss ng Makati Prosecutor ang reklamo laban sa kanya ay inapela naman ng mister sa DOJ sa isang petition for review.
Sinabi ng complainant na nag-follow-up siya sa kaso nitong nakaraang Hulyo sa DOJ sa giit na tinutulugan lamang umano ang kanyang kaso doon.
Sagot umano ni Santiago, may draft resolution na sa kaso na kumakatig sa desisyon na maibasura ang reklamo subalit dapat umano siyang magbigay ng naturang halaga dahil maaari pa umanong mabaligtad ang draft..
Una pa umanong hiniling ni Santiago na magbigay siya ng P300,000 na naibaba sa P250,000.
Dahilan ito upang humingi siya ng tulong sa NBI, kasunod ng paglalatag ng entrapment laban kay Santiago.
Nakipagkita umano sa complainant si Santiago sa mismong tanggapan ni Gana nitong dala ang envelope na naglalaman ng marked money.
“Upon giving the money, the victim gave the NBI the signal to come inside Gana’s office using a cellphone,” ani Zamora.