'Bayanihan Para sa Kalikasan', pinasigla
MANILA, Philippines - Nagsama-sama ang mahigit 1,000 volunteers sa pangunguna nina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Malabon Acting Mayor Len-Len Oreta kamakailan para sa “Makabagong Bayanihan Para sa Kalikasan” ng MBC-DZRH. Tatlumpung truck ng basura ang nakuha mula sa baybayin ng Wawa St., Brgy. Tangos, Navotas City sa tulong na rin ng ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pa. Pinasigla ng dalawang punong lungsod ang pagsusulong sa kahalagahan ng wastong pagtatapon ng basura upang maibsan ang mga pagbaha. Sa katunayan, ang aktibidad na ito ay parte na ng kanilang regular na programang pang-kalinisan. Ani Mayor Tiangco, “Ang proyektong ito ay parte rin ng regular clean-up drive ng lungsod na Navotas Ko, Love Ko Lingap sa Kapaligiran Program. Sinimulan po ito noong Setyembre ng nakaraang taon at regular ng isinagawa dalawang beses kada buwan sa iba’t ibang parte ng lungsod.” Layunin ng programa na linisin ang kalye, kanal, ilog at dagat sa Navotas at imulat o sanayin ang mga tao sa tamang solid at liquid waste management upang ibalik ang natural na ganda ng lungsod. Paalala pa ni Mayor John Rey sa mga kabataan, “simulan po natin sa ating mga sarili ang disiplina sa pagtatapon ng basura at kung may makita po tayo maski mas matanda sa atin na nagtatapon sa daan ay sabihan po natin ang mga ito.”
- Latest
- Trending