Para mabilis na matunton sakaling makarnap GPS sa mga sasakyan inihirit

MANILA, Philippines - Hinikayat ng pulisya ang mga motorista na magkabit ng global positioning system (GPS) at engine immobilizer devices sa kanilang sasakyan bilang pag-iwas sa carnap at carjack dahil sa estilo ng mga kawatan na kinukuha muna ang biktima, bago papakawalan.

Ayon kay Superintendent Ferdinand Villanueva, hepe ng Quezon City Police District’s Anti-Carnapping Unit (QCPD-DACU), sa pamamagitan ng dalawang gadget magkakaroon ng tsansa ang mga motorista na mabawi ang natangay nilang sasakyan.

Sa paggamit ng GPS, sinabi ni Villanueva, malalaman ng may-ari ng natangay na sasakyan kung nasaang lugar ito nakahimpil dahilan para mapadali ang pagtukoy ng mga awtoridad at marekober ito.

Samantala, sa pamamagitan ng engine immobilizer naman, sabi pa opisyal, agad nitong mapapatay ang makina ng sasakyan dahilan para hindi na mapaandar o mailayo pa ng mga kawatan.

Nilinaw pa ni Villanueva na sa sandaling maikabit ang engine immobilizer sa sasakyan, magagawa ng may-ari ng sasakyan na mag-utos sa pamamagitan ng mobile phone para patayin ang makina nito.

Kamakailan lang, isang grupo ng carjackers na pinani­niwalaang dating miyembro ng Onad carnap group, ang tumangay ng limang sasakyan sa loob lamang ng isang linggo simula August 24. Sa pagtangay sa sasakyan, isinasama pa ng mga suspect ang biktima saka papaikut-ikutin ito bago pakawalan.

Sa ganitong modus, giit ni Villanueva ay hindi agad makakatawag ng tulong sa pulisya ang biktima at makapag-report man ay wala na ang mga suspect.

Kaya naman, kung may nasabing mga kagamitan ay mapapadali ang pagbawi ng awtoridad sa natangay nilang sasakyan.

Show comments