MANILA, Philippines - Lumalabas na malubhang karamdaman ang dahilan ng pagpapasagasa ng isang 52-anyos na babae sa tren ng LRT kamakalawa sa Pasay.
Kasabay nito, kinilala na rin ng kapatid na si Jose Aroma ang biktima na si Lucy Aroma, ng Brgy. 184 Maricaban, Pasay City. Ito ay makaraang makita ang bangkay ng biktima sa Funeraria Rizal.
Ayon kay Jose, may malaking bukol sa pisngi umano ang kanyang kapatid na hinihinala nilang isang tumor. Matagal na umano nitong iniinda ang sakit at maaaring nagdulot ng matinding depresyon dito. Nakatakda na umanong isailalim ito sa operasyon ngunit maaaring hindi na nahintay ng kanilang ate.
Sinabi pa nito na hindi nila alam nang umalis ng bahay si Lucy kung saan walang dinalang ibang gamit maging ang cellular phone ay iniwan nito upang hindi makontak.
Sa pagrebisa naman sa footage ng Closed Circuit Television (CCTV) ng LRT, makikitang sinadya talagang tumalon ng biktima sa riles habang parating ang tren na pinatatakbo ni Anthony Gunay.
Kinuwestiyon naman ni LRT Authority spokesman Atty. Hernando Cabrera ang pagsasampa ng Pasay City Police ng kaso laban kay Gunay dahil sa kitang-kita naman na sinadyang magpatiwakal ng biktima. Naniniwala ito na dapat talagang maisailalim ito sa imbestigasyon ngunit kinuwestyon ang pagsasampa ng kaso.
Sinabi rin ni PO3 Rodolfo Suquina, imbestigador sa kaso, na kumbinsido na sila na nagpatiwakal talaga ang biktima dahil sa lumuhod pa ito habang parating ang tren bago ito nasagasaan.