MANILA, Philippines - Butas ang bungo ng isang electrician na magdiriwang sana ng kanyang kaarawan makaraang barilin sa ulo ng isang lalaki bilang regalo sa kanya kahapon sa lungsod Quezon.
Dalawang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktimang si Jayden Lorenzo, na magdiriwang sana ng kanyang ika-36 na kaarawan kahapon, residente ng Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Mabilis namang tumakas ang gunman kasama ang isa pang armadong lalaki matapos ang krimen.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng St. Vincent St. sa nasabing barangay, ganap na alas-10:45 ng umaga
Ayon kay Mang Jaime, ama ng biktima, kaarawan umano ng kanyang anak kahapon at lumabas lamang ito sandali para magpahangin matapos magluto ng kanyang ihahanda, pero biglang sumulpot ang suspect at pagbabarilin ito.
Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat papalayo ang mga suspect.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy ang salarin. (Ricky T. Tulipat with trainee Rica Carla Arzola)