'Tulak' patay sa engkwentro
MANILA, Philippines - Utas ang isang hinihinalang ‘tulak’ ng droga makaraang makipagpalitan umano ng putok sa mga tropa ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang nasawi na si Reynante Ambrosio, 40, ng Molave St., Libertad, Pasay City.
Nasawi si Ambrosio sa pakikipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng QCPD-Station 4 sa madilim na eskinita sa kahabaan ng Kabilugan St., Brgy. Gulod sa lungsod, ganap na alas-12:30 ng madaling araw.
Nag-ugat ang engkwentro nang maispatan ng tropa ng mga pulis sa madilim na eskinita. Dahil sa kahina-hinalang kinikilos, ipinasya ng mga awtoridad na lapitan ito para sitahin pero hindi pa sila nakakalapit ay bigla silang pinaputukan sanhi upang mauwi sa engkwentro na dito tinamaan ang suspect na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Narekober sa kanang bulsa ni Ambrosio ang tatlong sachet ng shabu, gayudin ang isang kalibre 38 baril na may apat na bala. Posible umanong naghihintay ng ka-transaksyon sa lugar ang suspect.
- Latest
- Trending