MANILA, Philippines - Pipiliting harangin ng isang commuter’s group ang plano ni Transportation Secretary Mar Roxas na taasan ang singil sa pasahe ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 at 2.
Ito ang inihayag ni National Council for Commuter’s Protection (NCCP) president Elvira Medina makaraan na sabihin ni Roxas sa budget hearing sa Kongreso kamakailan ang planong taasan ang pasahe dahil sa hindi na kakayanin ng P5.1 bilyong subsidiya sa MRT at LRT ang lahat ng gastusin.
Ayon kay Medina, kailangan munang ipaliwanag ni Roxas kung ano ang mga gastusin at hindi sasapat ang naturang napakalaking subsidiya gayong tuloy naman ang pagdami ng mga pasahero na nagbabayad.
Kailangan ring ipaliwanag umano ng DOTC kung saan rin napupunta ang kita sa mga patalastas o “advertisement” at mga negosyo na nakatirik sa mga istasyon ng MRT at LRT na dagdag kita rin sa ahensya.
Iginiit ni Medina na hindi pa napapanahon ang pagtataas pasahe sa MRT at LRT dahil sa hindi naman tumataas ang kita ng mga ordinaryong Pilipino na suki ng rail systems sa kanilang pagpasok sa mga trabaho.