MANILA, Philippines - Nanawagan si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa publiko na tigilan na ang anumang haka-haka at pagpapalutang ng kanyang pangalan na papalit sa yumaong Interior and Local Government Secretary na si Jesse Robredo.
Ayon kay Lim, hindi magandang pag-usapan ang isyu lalo pa’t kasalukuyang nakaburol sa Malakanyang si Robredo bilang paggalang dito.
Sinabi ni Lim na ang buong bansa ay nagluluksa sa pagpanaw ng isang tao, opisyal at kaibigan na nagbigay ng magandang alaala sa bayan.
Kasabay nito, sinabi ni Lim na hindi umano siya interesado sa puwesto dahil mas gusto niyang paglingkuran ang mga Manilenyo na nagbigay ng malaking suporta sa kanya.
“Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong puro pansariling interes lang ang inaatupag. Nagluluksa ang mga Pilipino, ang kanyang pamilya, mga katrabaho, kaibigan at supporter ni Sec. Jesse tapos ’yung iba naman, abala sa intrigahan kung sino ang papalit sa kanya. Hindi maganda, kaya dapat tigilan na ’yan,” anang alkalde.
Binigyan-diin din ni Lim na dapat pamarisan ang uri ng ‘good governance’ na ibinigay ni Robredo sa bayan kung saan isang paglilingkod na wagas, tapat at malinis.
Wala umanong halong personal na interes at napakamababang-loob at hindi kinakitaan ng ere o anumang pagkukunwari ang nasabing kalihim.