MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na lalaki ang nasawi habang nasa malubhang kalagayan naman ang kapatid nito matapos pagbalingang bugbugin at pagsasaksakin ng isang grupo ng mga kalalakihan na nainis matapos sitahin ng mag-utol sa isang kaguluhan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Albert Sumat, habang patuloy naman na inoobserbahan sa pagamutan ang kapatid nito na si Romart, 18.
Arestado naman ang mga suspect na sina Jamil Macapado, 28; Kevin Lacanlale, 21; at Ivan Carl Gelindon, 29 na pawang mga residente ng Brgy. Baesa, Novaliches sa lungsod.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Jojo St., Brgy Baesa sa lungsod, ganap na alas-9 ng gabi.
Naglalakad umano pauwi ang mga biktima nang makita nila ang komosyon sa isang grupo ng mga lalaki sa nasabing lugar. Dito ay sinita umano ni Albert ang mga suspect at sinabihang “tama na”, na ikinagalit ng mga huli kung saan isa sa mga ito ang sumagot ng “Pulis ka ba?.”
Kasunod nito, biglang inatake ng bugbog ng mga suspect ang magkapatid at hindi pa nasiyahan ay inundayan pa sila ng mga ito ng saksak sa katawan.
Si Romart kahit sugatan ay nagawa pang makatakbo at makahingi ng tulong sa barangay kagawad na si Jose Baguio na kasalukuyang nagpapatrulya malapit sa lugar kung saan nadakip ang mga suspect.
Nagawa pang maitakbo sa MCU si Albert subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng tinamong saksak sa sikmura. Habang si Romart naman ay naka-confine sa may East Avenue Medical Center sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan.