Manila, Philippines - Limang Taiwanese ang dinakip sa isa na namang shabu laboratory na nadiskubre at sinalakay ng pulisya sa isang bahay sa Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Ang mga suspect na sina Yun Pong Hsu, 56; Yu-teng Cheng, 53; Yun Chun Huang, 43; Kun Lin Yu, 51; at Horng Jen Tsai, 58, pawang mga chemist ay nasakote makaraang salakayin ng mga tauhan ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) at Parañaque City Police ang two-storey apartment sa may Santisima St., San Antonio Valley sa Brgy. San Isidro, sa naturang lungsod.
Isang “kitchen-type laboratory” ang nadiskubre ng pulisya na naglalaman ng mga “portable equipments” sa produksyon ng shabu.
Nakumpiska rin ng pulisya ang nasa 20 kilo ng hinihinalang shabu na nasa “manufacturing stage” pa at nagkakahalaga ng P150 milyon.
Ayon sa pulisya, matagal nang pinapakinabangan ng sindikato ang naturang laboratoryo dahil nasa dalawang taon na umano itong inaarkila ng mga Taiwanese.
Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang mga nadakip na dayuhan habang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng may-ari ng naturang bahay at mabatid kung may kinalaman rin ito sa naturang operasyon.