Taiwanese tiklo sa shabu, marijuana sa NAIA
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang Taiwanese national matapos nitong tangkaing magpuslit ng shabu at marijuana sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. ang nasakoteng suspect na si Yao Wei-Teng, 49.
Ayon kay Cerbo, kasalukuyang pasakay na si Wei-Teng sa Cebu Pacific flight patungong Taipei, Taiwan nang madiskubre ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG) ang hindi pa madeterminang dami ng shabu at marijuana sa bagahe nito dakong alas-2:20 ng hapon.
Sinabi ng opisyal na tinangka pang itago ng nasabing dayuhan ang ipupuslit sana nitong droga pero naging maagap ang mga nakaposteng security personnel ng PNP-AVG sa nasabing paliparan.
Agad namang inaresto ang nasabing Taiwanese at itinurn-over ng PNP-ASG sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sumailalim sa masusing imbestigasyon.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga awtoridad, ayon pa sa opisyal kung miyembro ng sindikato ng illegal na droga ang suspek.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa naturang Taiwanese.
- Latest
- Trending