1 pang preso pumuga sa Bilibid
MANILA, Philippines - Hindi pa man humuhupa ang isyu hinggil sa pagdukot sa convicted killer na si Rolito Go, muli na namang malalagay sa kontrobersiya ang New Bilibid Prisons sa pagkawala ng isa pang inmate dito.
Kahapon ay napasugod si Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima at kasalukuyang officer-in-charge ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City matapos na madiskubre muli ang pagkawala ng isa pang inmate sa loob ng maximum security compound.
Ayon kay De Lima, nawawala ang inmate na si Rommel Laciste na convicted sa kasong murder na hinatulan ng Regional Trial Court ng Isabela.
Noong nakaraang taon lamang inilipat si Laciste sa Bilibid.
Sinabi ni De Lima na isa sa mga teorya na kanilang tinitingnan ay ang posibilidad na nakisakay si Laciste sa isang truck na nagde-deliver ng supply sa loob ng kulungan kung kaya’t nakatakas ito.
Nabatid na tatlong araw nang pinaghahanap ngayon si Laciste subalit hindi pa rin ito nakikita at isang search team ang kaagad na binuo ng kalihim para hanapin ang nakawalang preso. Pinulong din ni De Lima ang mga opisyal ng NBP at malaman ang kasalukyang estado ng paghahanap kay Laciste.
Tinitingnan din ni De Lima ang posibilidad na pagrepaso ng regulasyon sa NBP sa posibilidad na nagiging maluwag ang seguridad dito kung kaya’t natatakasan ng mga preso sa iba’t ibang paraan.
- Latest
- Trending