200 kilo ng botcha, nasabat sa Pasay
MANILA, Philippines - Patuloy pa rin ang pagpapalusot ng mga tiwaling negosyante ng mga “botcha” o “double dead” na karne sa Pasay City makaraang 200 kilo nito ang masabat sa isang talipapa sa naturang lungsod kahapon ng madaling-araw.
Nabatid na unang nakatanggap ng impormasyon ang Pasay City Veterinarian’s Office buhat sa isang tipster ukol sa bagsakan ng botchang karne sa talipapa sa Primero de Mayo, sa naturang lungsod.
Sinalakay ng mga tauhan ng Veterinarian’s Office ang naturang talipapa kung saan natiyempuhan ang mga ibinagsak na double dead na karne sa stall ng isang Joel Edolveria.
Kasama ring nasabat ng mga awtoridad ang ilang kilo ng karne naman ng kalabaw na buhat pa umano sa India ngunit hindi dumaan sa tamang importasyon at accredited na processing plant.
Dahil dito, patuloy na nagbabala ang Veterinarian’s Office ng Pasay sa kanilang mga residente na umiwas sa pagbili ng mas murang karne ngunit double dead naman dahil sa panganib sa kanilang kalusugan.
- Latest
- Trending