MANILA, Philippines - May kabuuang 16 na drug mules ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ninoy Aquino International Airport simula noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., ang naturang bilang ay bunsod ng kakayanan ng binuong Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na pangunahing nagbabantay sa nasabing paliparan laban sa mga illegal drug trade.
Sabi ni Gutierrez, na sa 16 na drug mules na naaresto sa NAIA, may kabuuang 37 kilos ng shabu, iba pang illegal drugs; at drug paraphernalia na ginawa sa 13 interdiction operations ang nasamsam.
Sabi ni Gutierrez, dahil dito naging positibo ang resulta ng binuong grupo sa pagbabantay sa NAIA na nagsisilbi lamang entry at exit points para sa drug trafficking, tulad na lamang ng pagkakadakip sa dalawang drug couriers na Nepalese at babaeng Vietnamese na nagtangkang mag-smuggle ng shabu sa bansa noong August 10, at August 14 sa NAIA terminal 2.
Giit ni Gutierrez, dahil sa pagtutulungan ng mga nasabing mga ahensya na may kanya-kanyang kakayahan sa pagtukoy at paghahanap ng iligal na droga ay mabilis na natutugunan ang anumang pagtatangka ng mga dayuhang makapagpasok ng iligal na droga sa bansa.