Taxi driver utas sa pasaherong holdaper
MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver makaraang barilin ng pinaniniwalaang pasaherong holdaper sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Dionilo Orenso, nasa 40 hanggang 45-anyos, driver ng “Vilma O. Bell” taxi (TRY-731).
Naganap ang insidente dakong ala-1:30 madaling-araw sa panulukan ng A. Linao at Esguerra Sts., Malate.
Sinabi sa ulat na nadiskubre ni Brgy. Chairman Ernesto Rosales ang duguan at walang buhay na biktima sa tabi ng taxi nito kaya ipinagbigay-alam sa pulisya.
Wala na ang kinita nito sa pamamasada at personal na gamit maging wallet o anumang identification card ng biktima na hinihinalang nilimas ng holdaper.
Nakilala lamang ang nasawi nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang kasamahang taxi driver na si Jose Hipolito, dakong alas-5:00 ng madaling-araw.
- Latest
- Trending