'Martilyo gang' sumalakay sa mall, operasyon ng MRT at LRT naapektuhan
MANILA, Philippines - Mistulang stampede ang naganap sa daan-daang pasahero na papasok at palabas ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 makaraang magkagulo ang mga ito nang umalingawngaw ang putok ng baril sa loob ng kadikit na shopping mall, kahapon ng hapon sa Pasay City.
Dakong alas-3:30 ng hapon nang makarinig ng isang putok ng baril sa loob ng Metropoint Mall na nasa panulukan ng Taft Avenue at EDSA, sa naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat buhat sa Pasay City Police, pinasok ng apat na hinihinalang mga miyembro ng kilabot na Martilyo Gang ang Tambunting pawnshop na nasa ikatlong palapag ng naturang mall makaraang makalusot sa mga security guard. Ang naturang mall ay nagsisilbing daanan patungo at palabas ng MRT 3 at LRT 1.
Ayon kay Pasay City Police chief, Sr. Supt. Melchor Reyes, agad na binasag ng dalawa sa mga salarin ang mga salamin ng naturang sanglaan at agad na nilimas ang mga alahas. Dalawa pa sa mga salarin ang nagpanggap pa na kustomer ng katapat na fastfood chain.
Pinaputukan ng mga salarin ang isang security guard na hindi naman tinamaan sa kanilang pagtakas. Nabatid na tatlong minuto lamang ang itinagal ng panloloob ng mga holdaper at lumabas sa may daanan tungo sa MRT saka sumakay ng taxi ang dalawa sa mga ito. Inaalam naman kung saan dumaan ang dalawa pa sa mga suspek.
Dahil sa takot, nagkanya-kanyang takbo at tulakan ang mga pasahero kung saan marami ang naiulat na nasaktan karamihan ay mga babae makaraang madapa.
Pansamantalang naantala naman ang operasyon ng MRT nang isara ng security nito ang mga daanan papasok at palabas. Makalipas ang isang oras, muli itong binuksan upang makalabas ang mga pasahero na nasa loob ngunit nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa mga pumapasok.
- Latest
- Trending