Rookie cop, nag-suicide sa loob ng simbahan
MANILA, Philippines - Dala ng labis na problema lalo na ang mga kasong kinakaharap, nagpasya ang isang bagitong pulis na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos manalangin sa loob ng isang simbahan sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Si PO1 Flordelino Ulep, 26, nakatalaga sa Police Station 7 sa Cubao ay agad na nasawi bunga ng isang tama ng bala sa kanang sentido, ayon pa sa ulat.
Sa imbestigasyon ni PO2 Julius Balbuena, nangyari ang pagpapakamatay ng biktima sa loob ng Adoracion hall sa San Bartolome Parish Church, sa mismong harap ng Grotto nito sa Brgy. Quirino Highway, Brgy. San Bartolome ganap na alas-9:15 ng umaga.
Ayon kay Domingo Tadeo, 26, kaibigan ng biktima, bago ang insidente, nagpunta umano sa kanyang bahay ang biktima at inaya siya na magsimba sa San Bartolome ganap na alas- 8:40 ng umaga.
Matapos ang misa ay nagpaalam ang biktima kay Tadeo na magpupunta sa Grotto.
Ilang sandali, sabi pa ni Tadeo, nakarinig na lamang umano siya ng putok ng baril at nang kanyang tingnan ay bumulaga sa kanyang harapan ang duguang katawan ng biktima at wala nang buhay.
Ayon kay SPO1 Gregorio Maramag, si Ulep ang itinuturong suspect sa pagpatay kay Dante Anasco, 35, doorman ng Blue Eyes bar na matatagpuan sa Commonwealth at Regalado Avenues sa lungsod.
Sinabi ni Maramag, bago masawi si Anasco, nagawa nitong masabi na si Ulep ang bumaril sa kanya. Bukod kay Anasco, isa pang empleyado ng Blue Eyes ang positibong kumilala kay Ulep na siyang bumaril.
Maaalalang nasa harap ng KTV bar si Anasco nang dumating ang suspect na nakamotorsiklo at binaril ito.
Si Anasco ang isa sa dalawang complainants sa Blue Eyes bar sa kasong frustrated murder laban kay Ulep. Noong nakaraang July 11, si Anasco at kasamahan nito ay binaril at sinaktan ni Ulep sa loob ng bar dahil sa nais gumanti ng huli sa taong nanakit sa kanya.
Nakatakda sanang humarap si Anasco noong nakaraang Linggo sa court hearing sa kasong frustrated murder.
- Latest
- Trending