Matadero nagbigti

MANILA, Philippines - Tinapos ng isang matadero ang nararamdaman umanong depresyon sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa rooftop ng kanilang bahay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Si Arman Sentor, 30, residente sa Sitio Mendez, Brgy. Baesa sa lungsod ay nagawa pang maisugod sa Quezon City General hospital subalit hindi na nagawa pang ma­isalba ang kanyang buhay ng mga doktor. 

Ayon sa ulat, nadiskubre ang pagpapakamatay ng biktima ng pamangking si Reynald Averde, ganap na alas-8:30 ng umaga.

Sinabi ni Averde, hihingi sana siya ng sigarilyo sa biktima matapos na akyatin ang rooftop ng bahay nito nang tumambad sa kanyang harapan ang nakabiting katawan ng tiyuhin sa may wooden brace at agaw-buhay.

Mabilis na kinalas ni Averde ang tali sa leeg ng bik­tima saka isinugod sa na­turang ospital, subalit bigo ring maisalba pa ang buhay nito.

Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima ganap na alas-6 ng umaga nang maghatid ito ng kaniyang 10-taong gulang na anak sa eskwela.

Nagtataka umano ang kaanak ng biktima kung bakit nagpakamatay ito gayong wala naman umanong nababanggit na problema at ma­ayos naman ang kanyang pamilya.

Show comments