MANILA, Philippines - Todas ang isang 48-anyos na pahinante ng isang delivery van na nagpraktis magmaneho makaraang sumalpok ang kanilang sasakyan sa sinusundang delivery truck, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Isinugod ng Rescue Ambulance ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Taguig-Pateros District Hospital si Mario Gonzales, subalit patay na nang makarating sa naturang pagamutan dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Sugatan din sa naturang insidente ang isa pang pahinante na si Vincent Olithao, 24, ng Brgy. Dalig, Antipolo City.
Nakatakdang sampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injuries sina Alfred Bocayan, 29, tsuper ng Isuzu Wing van (XEU-865) at Jeoffrey Sumalele, 25, tsuper ng Isuzu Elf van (CXR-710), at residente ng Brgy. Looc, Calamba, Laguna.
Sa imbestigasyon, nakahinto sa may East Service Road sa may Brgy. San Martin de Porres dakong alas-4:50 ng madaling-araw ang Isuzu Wing van na minamaneho ni Bocayan makaraang mabutasan ng gulong. Pinapalitan ito ng gulong ng pahinanteng si Olithao nang salpukin ng Isuzu Elf van na minamaneho ng nasawing si Gonzales.
Isa pang Kia Pride sedan (TYV-544) na minamaneho ni Christopher Guiruela, 38, ang bumangga naman sa sinusundan na Elf van. Masuwerte namang nagtamo lamang ng bahagyang galos si Guiruela.
Nabatid naman sa imbestigasyon na hindi talaga si Gonzales ang driver ng Elf van na pahinante lamang. Nakipagpalit umano ang totoong driver na si Sumalele kay Gonzales upang maensayo ito sa pagmamaneho hanggang sa maganap ang aksidente.
Naipit ang katawan ni Gonzales dahil sa pagkakayupi ng harapan ng kanilang van habang tumalsik naman si Olithao nang maganap ang banggaan.