Holdaper na tandem bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang armadong riding-in-tandem matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa sumita sa kanilang mga pulis dahil sa walang plaka nilang motorsiklo sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang dalawang suspect na nasa edad 20-30, kapwa miyembro ng Commando gang at may mga tattoo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang sitahin ng mga nagpapatrulyang miyembro ng MPD-Station 4 ang mga suspect nang makitang walang plaka ang dala nilang motorsiklo.
Sa halip na huminto ay pinaharurot ng dalawa ang motorsiklo dahilan para habulin sila ng mga pulis at pagliko sa P. Margall St. ay nagpaputok na ang isa sa suspect. Tinangka naman ng isa pa na tanggalin ang pin ng granada na kinuha umano sa dala nilang bag.
Dahil dito, napilitan ang pulis na magpaputok na rin na ikinasawi ng dalawa.
Narekober naman sa mga suspect ang kalibre .38 baril, granada at isang Apple-Iphone.
Hindi pa man tapos ang insidente ng barilan dakong alas-2:50 ng madaling-araw nang may lumutang sa nasabing presinto na biktima ng panghoholdap.
Sa reklamo ng isang April Hainto, 25, hinoldap siya ng riding-in-tandem habang nag-aabang ng masasakyang jeep sa may panulukan ng AH Lacson at Fajardo St., Sampaloc, Maynila.
Nang ipakita ang napaslang na mga suspect, positibo itong kinilala ng biktima na may kagagawan ng panghoholdap sa kanya.
- Latest
- Trending