Police asset itinumba
Manila, Philippines - Isang hinihinalang police asset ang nasawi matapos pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Jayson Mendoza, 32, ng Anthony St., Brgy. Holy Spirit.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Greg Maramag ng Quezon City Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nangyari ang pamamaril sa harap ng Grace Store na matatagpuan sa Sto. Domingo St., ng naturang barangay ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Ayon kay Joel Sode, residente sa lugar, natutulog na siya ng mga oras na iyon nang marinig ang mga putok ng baril mula sa labas ng kanyang bahay. Dahil dito, naisipan niyang silipin ang labas kung saan nakita umano ni Sode ang biktima na duguang nakahandusay sa harap ng tindahan habang naglalakad naman papalayo ang tatlong kalalakihan patungo sa San Simon St., para tumakas.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na si Josephine Deverio, may tumawag umano sa kanyang kapatid at sinabing pumunta sa bahagi ng Sto. Domingo St., na ginawa naman nito hanggang sa mapaulat ang pamamaril dito.
Nagtamo ng limang tama ng bala ng kalibre .45 ang biktima, tatlo sa bahagi ng katawan, isa sa bandang likod ng ulo, at isa sa kanang kamay.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa lugar ang walong basyo ng kalibre .45 baril at dalawang deformed slugs nito na ginamit sa pamamaslang sa biktima.
- Latest
- Trending