Manila, Philippines - Naapektuhan ang operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (Santolan-Recto) makaraang tamaan ng kidlat ang linya nito na nagpapatakbo ng mga tren, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority, dakong alas-11:10 ng umaga nang tamaan ng kidlat ang “catenary line” sa kanilang Santolan Station reversing area sanhi upang mapigilan ang pagbalik ng mga tren patungo ng Recto.
“The lightning struck down the catenary line of Track No. 3 at Santolan Station reversing area thereby preventing any reversion operation,” ayon kay Cabrera sa kanyang Twitter account.
Dahil dito, napilitan ang LRT Line 2 na putulin ang operasyon sa Santolan at Katipunan Stations habang tuloy ang biyahe mula Anonas hanggang Recto Stations.
Agad namang inumpisahan ng LRTA ang “repair operations” sa Santolan station ngunit sinabi ni Cabrera na patuloy ang malalakas na kidlat sa Santolan kung saan nalagay sa panganib ang kanilang “repair crews”.
Habang isinusulat ito, sinabi ni Cabrera na inaasahan na matatapos ang pagkukumpuni ng nasira nilang equipment sa buong maghapon at babalik sa normal ang operasyon ng buong Line 23 ngayong Martes.