MANILA, Philippines - Bubusisiin ng Quezon City government ang pagkamatay ng isang anim na taong gulang na batang lalaki na umano’y nahulog sa isang life boat habang nasa kasagsagan ng rescue operation sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City noong Martes.
Kamakalawa lamang ng umaga lumutang ang naaagnas ng bangkay ng anim na taong gulang na si Noel Carzon sa masukal at maputik na bahagi ng Comia St., Brgy. Bagong Silangan matapos tumaob ang sinasakyang life boat nito noong tanghali ng Aug. 7 habang isinasagawa ng barangay ang rescue operation.
Kinuwestyon ni DPOS/ Disaster Risk Reduction Management Council Action Officer Dr. Noel Lansang kung bakit hindi man lang ipinarating sa kanilang tanggapan ni barangay Bagong Silangan Chairwoman Cresell Beltran ang tungkol sa insidente.
Ayon kay Lansang, ang rescue team ng DPOS ay nakatutok sa mga binahang lugar sa lungsod at hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang rescue team ng Barangay Silangan kaya hindi nila alam na may nalunod at nasawing bata doon.
Sinabi ni Lansang na layunin ng imbestigasyon ay para malaman kung sino ang dapat mapagpanagot sa naturang insidente at hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.