MANILA, Philippines - May 168 paaralan ang ginagamit ngayon bilang evacuation center ng mahigit 14,000 pamilya na naapektuhan ng mga pagbaha sa Luzon dulot ng habagat.
Nabatid na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming bilang ng mga evacuees na umabot sa 9,741 pamilya at kasalukuyang nanunuluyan sa may 115 paaralan.
Sa Region 3 naman ay mayroong 2,568 pamilya na tumitigil pansamantala sa may 36 paaralan habang sa Region 4A ay mayroong 2,180 pamilya na tumutuloy sa may 17 paaralan.
Kaugnay nito, sa isang emergency meeting na ipinatawag ni Education Secretary Armin Luistro kahapon ng umaga, inatasan nito ang mga Schools Division Superintendents ng DepEd–National Capital Region (DepEd-NCR) na masusing makipagtulungan at makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs), gayundin sa mga City Social Welfare at Development Offices sa kani-kanilang lugar.
Anang kalihim, nais nilang matiyak na mayroon silang sapat na suplay para masuportahan ang pangangailangan ng mga evacuees na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.
Sinabi naman ni Luistro na bukod sa pagtiyak na magiging maayos ang operasyon ng mga paaralan na ginagamit na evacuation center, isinasapinal na rin umano ngayon ng mga lokal na opisyal ng DepEd NCR ang plano para sa pagbabalik sa klase ng mga estudyante kabilang na ang probisyon para sa make-up classes. Ang mga detalye ng naturang plano ay inaasahang ilalabas ng DepEd ngayong araw, Agosto 9.