9 patay sa landslide sa QC
MANILA, Philippines - Siyam katao, kabilang ang isang bagong silang na sanggol ang nasawi matapos na matabunan nang buhay makaraang gumuho ang lupa sa kanilang bahay sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Superintendent Mario dela Vega. Ang pinakabata sa mga nasawi ay kinilalang si Jonica Castulo, isang buwang gulang.
Sinabi ni QCPD deputy director for operations Senior Superintendent Joel Pagdilao nakilala ang mga nasawi na sina Jonathan Castulo, 3; Joshua Castulo, 2; Jessica Baylon, 23; Jayvee Baylon, 20; Jethro Baylon, 18; Jason Baylon, 14; at Jessie Lee Joy Baylon, 6 at Cecilia Baylon, 49.
Habang ang mga nakaligtas na residente ay sina Lydia Lyn Simbulan, 40; Maria Leslyn Simbulan, 21; and Jesie Baylon Jr, 24.
Ayon kay Pagdilao, ang mga nasabing residente ay dinala sa East Avenue Medical Center for treatment. Nangyari ang insidente ganap na alas-7 ng umaga.
Sinabi ni Pagdilao, ang mga bahay ay nakatayo sa ilalim ng bangin sa Bayanihan Street malapit sa Litex Road.
Dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan na nangyari sa buong Metro Manila, lumambot ang lupa mula sa itaas na bahagi ng bangin at gumuho sa nasabing mga kabahayan.
Dagdag ni Pagdilao, may 100 kabahayan sa nasabing lugar, subalit tatlo lamang sa mga ito ang direktang tinamaan ng landslide.
Maaga pa lamang ay nagtungo sa nasabing lugar sina QCPD director dela Vega, Mayor Herbert Bautista at Philippine National Police chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome para suportahan ang ginagawang rescue operation sa mga biktima.
Sinabi ni Bautista, inatasan na niya ang QCPD na siguruhing ang mga natitira pang pamilya sa lugar ay mailikas bago pa magkaroon ng panibagong landslide.
Tinukoy nito na ang walang humpay na pagbuhos ng ulan ay nagdudulot sa lupa ng bangin na patuloy na maging malambot, at nagbabantang gumuho na posibleng makatabon pa ng ilang kabahayang nakatirik dito.
- Latest
- Trending














