Manila, Philippines - Dahil sa pag-iinuman na naman sa kalsada, sumiklab ang away sa pagitan ng dalawang lalaki nang kapwa malasing sanhi upang masaksak ang isa, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Nasa kritikal pang kondisyon sa Taguig-Pateros Dis trict Hospital ang biktimang si Miguel Basagan, 44, ng Central Signal ng nabanggit na lungsod sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tumakas naman kaagad ang suspect na si Rolly Ezchin, alyas “Redford”, residente rin ng Mindanao St., makaraan ang pananaksak, dala ang ginamit na patalim.
Lumabas sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na kabilang sa grupo ng mga lalaki na nag-iinuman sa gilid ng kalsada sa Col Bravo St., Brgy. Central Signal 1 dakong alas-11:45 ng gabi.
Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, umalis umano ang suspek at nang bumalik ay armado na ng patalim at patraydor na pinagsasaksak ang biktima bago mabilis na tumakas.
Sinampahan na ngayon ng pulisya ang suspek ng kasong frustrated murder makaraang masuwerteng makaligtas sa kamatayan si Basagan.