Manila, Philippines - Muli na namang napatunayan ang pagiging walang disiplina ng isang bus driver makaraang mabangga ang isang motorsiklo kung saan agad na nasawi ang lalaking nagmamaneho nito habang sugatan naman ang angkas na misis kahapon ng umaga sa Magallanes Interchange, Makati City.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Marvin Apura, 27, habang sugatan ang misis nitong si Myrna.
Nabatid sa ulat na naganap ang insidente pasado alas-7 ng umaga sa Magallanes Interchange kung saan paakyat sana ng Magallanes flyover ang mag-asawang Apura lulan ng motorsiklo upang ihatid ang babae sa opisina.
Malapit na umano sila sa bukana ng flyover nang biglang salpukin ng isang Don Mariano Bus (TVX-545) sanhi upang pumailalim sa bus ang motorsiklo at ang mga sakay nito.
Agad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang driver ng naturang bus na may biyaheng Novaliches-Alabang.
Nabatid na kilala ang Don Mariano Bus Transit sa dami ng aksidenteng kinasasangkutan dahil sa pagiging likas na kaskasero ng mga driver nito.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang pulisya sa pamunuan ng naturang bus company upang mabatid ang pagkakakilanlan ng kanilang tumakas na driver at makatulong sa pagpapasuko dito.