Manila, Philippines - Isang lalaki ang dinakip ng mga tauhan ng Manila City Hall Public Assistance (CHAPA) at ng Manila Social Welfare Department matapos na ireklamo ng pambubugbog sa isang 7-anyos na bata kamakalawa sa Sampaloc, Maynila.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse Law at Physicai Injury si Alfredo Ballo ng Arangga St. Sampaloc, Maynila matapos arestuhin ng CHAPA sa pangunguna ni Sr. Insp. Rolando Lorenzo, Jr.
Lumilitaw sa record na ang biktimang itinago sa pangalang Boy ay nakatira sa bahay ng suspect matapos na kupkupin umano ng kapatid nito.
Nagtamo ng mga pasa sa ulo, mukha, braso at binti ang bata.
Nabatid na isang kapitbahay ng biktima ang humingi ng tulong kay Bgy. Chairman Archie Rosales dahil sa paulit-ulit na pananakit ng suspect sa biktima tuwing malalasing at umano’y nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.
Napag-alaman na ang ina ng bata ay biktima ng salvage noong Abril sa Quiapo, Maynila habang ang ama nito ay kasalukuyang nakakulong sa Muntinlupa.
Hindi na umano matiis ng kapitbahay ang pagmamalupit at pambubugbog ng suspect sa bata kung kaya’t agad na siyang nagtungo sa CHAPA at MSWD.