Brgy. chairman nakunan ng video habang nagdo-droga sa brgy. hall
MANILA, Philippines - Nakatakdang ipagharap ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) ang isang barangay chairman na nakunan ng video habang gumagamit ng iligal na droga, kasama ang isang babae, sa mismong barangay hall sa Tondo, Maynila, batay sa ulat kahapon ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID).
Sa report ni Senior Inspector Eduardo Pama, malinaw na iligal ang ginagawa ni Augusto “Jojo” Salangsang, Chairman ng Brgy 261, Zone 24, District 2, base sa video footage kaya inimbitahan nila ito upang imbestigahan, dakong alas- 5:30 ng hapon kamakalawa.
Gayunman, nilinaw ni Pama na hindi inaresto si Salangsang kundi inimbitahan lang dahil hindi naman aktuwal nilang nasaksihan ang paggamit ng droga, kung saan makikita sa video na ka-jamming nito ng isang ‘striker’ umano na si alyas “Neneng Pilay”.
Iniimbestigahan ang nasabing chairman na tumatanggi pa na siya ang nasa video.
Kaugnay nito, iniutos na ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na kasuhan ng administratibo at kriminal si Salangsang.
- Latest
- Trending