PAF colonel patay sa physical fitness test
MANILA, Philippines - Nabahiran ng kalungkutan ang isinasagawang Physical Fitness Test (PFT) ng AFP matapos na masawi ang isang Air Force Colonel na dating security aide ni dating Pangulong Corazon Aquino sa kasagsagan ng ehersisyo sa Camp Aguinaldo, ayon sa opisyal kahapon.
Kinumpirma kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang pagkamatay ni Col. Richard Parcon, 54, deputy sa Office of the Advocate General (OTAG).
Bandang alas-6:35 ng umaga kamakalawa nang bigla na lamang bumagsak ang hinimatay na si Parcon na hindi nakayanan ang isinasagawang pagja-jogging bilang bahagi ng PFT sa AFP.
Ayon naman sa isang military source, si Parcon ay idineklarang dead-on-arrival sa AFP Medical Center matapos itong atakehin sa puso.
“He was 15 meters away from the finish line of a 2 mile run when he collapsed,” anang opisyal na kasamahan ni Parcon kung saan nabigo na ang pagtatangka na isalba ang buhay nito.
Bago ang 2-mile run ay nagsagawa pa ng push- ups at sit-ups ang nasabing opisyal na tumagal ng dalawang minuto.
Nabatid na ang PFT sa AFP ay isinasagawa bilang bahagi ng promosyon at regular na pampalakas ng mga opisyal at tauhan ng hukbo.
Noong Enero 2011 ay nasawi rin sa PFT si dating Marine Officer Lt. Col. Vincent Teodoro, dating Operations Officer ng Philippine Marine Corps ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1989 matapos itong mag-‘cardiac arrest’.
Magugunita na si Parcon ay isa sa mga security escort ni dating Pangulong Cory sa panahon ng rehimen nito.
- Latest
- Trending