Electrician patay sa baril ng tenant
MANILA, Philippines - Isang electrician ang nasawi makaraang aksidenteng pumutok ang baril ng kanyang tenant at tamaan ng bala ang una sa dibidb habang nanoood ng telebisyon sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nakilala ang biktima na si Antonio Alaan, 36, electrician at residente ng 14th Avenue, Brgy.Socorro, Quezon City.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspect na si Godofredo Recigorado, 22, securitry guard na nangungupahan sa ikalawang palapag ng bahay ng biktima.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima, ganap na alas-11:45 ng gabi. Bago ito, sinasabing nagtatalo ang suspect at ang asawa nito dahil sa napapadalas na pag-iinom at pag-uwi ng disoras ng gabi ng una.
Ayon kay Recigorado, itatabi na sana niya ang kanyang service firearm nang aksidente umanong makalabit niya ang gatilyo nito at pumutok. Sa pagputok ng baril, tumagos umano ang bala sa unang palapag ng bahay kung saan nanood naman ng telebisyon ang biktima at tamaan ito sa dibdib.
Dahil sa pangyayari, tinangka pa umanong tumakas ni Recigorado gamit ang kaniyang motorsiklo, subalit nabangga ito sa isang taxi sa kanto ng Colombia at Yale Sts. Brgy. E. Rodriguez. Pero itinatanggi ni Recigorado ang tangkang pagtakas, aniya, hahanap lamang umano siya ng ospital na pagdadalhan sa biktima.
- Latest
- Trending