Giant billboards sa Metro, binaklas ng MMDA
MANILA, Philippines - Pinagtitiklop ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga dambuhalang billboards sa Kamaynilaan partikular na iyong mga hindi kusang itiniklop ng mga pasaway na mga operators sa kabila ng malakas na bagyong tumama sa bansa.
Inisyal na 10 billboards ang tiniklop ng MMDA dahil sa panganib na maaaring idulot kung mabubuwal ang istruktura nito dahil sa lakas ng hangin.
Kabilang dito ang mga billboards na nakatirik sa East Libis, Barangay 160 sa Baesa, Caloocan City; Vito Cruz corner Osmeña Highway sa Maynila; Duhat Street, Barangay 684 malapit sa Nagtahan Savemore; Blk. 9 Lot 16 Soldier Hills, Potatan, Muntinlupa City; EDSA MMDA north-bound; Polymedic Hospital; C5 north-bound sa harap ng Market! Market!; C5 Katipunan north-bound; at Ilaya St. sa Barangka, Mandaluyong.
Pinayuhan naman ni MMDA chairman Francis Tolentino ang ibang mga billboard operator na sila na ang kusang-loob na magtanggal ng billboard sa posibilidad na bumigay ang mga ito sa muling pag-ihip ng malakas na hangin na dala ng bagyong Gener.
Samantala, may tatlong malalaking punong nabuwal sa McKinley Hills ang natanggal na ng MMDA, habang may isa rin sa Hemady Avenue sa Quezon City. Nagsagawa rin ng road signs clearing ang MMDA na nagkandabuwal din at kumalat sa Roxas Boulevard sa Maynila dulot ng sobrang lakas ng hangin.
- Latest
- Trending