Traffic enforcer, 1 pa, timbog ng PDEA

MANILA, Philippines - Timbog ang isang traffic enforcer at isang kasamahan nito, matapos makuhanan ng apat na sachet ng shabu, isang granada at kalibre 38 baril sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), iniulat kahapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang suspect na si George Chavez, 54, traffic enforcer at residente sa Brgy. Gatid, Sta. Cruz, Laguna; at kasama nitong si Michael Picardal, 26, ng nasabi ring lugar.

Nadakip ang mga suspect ng mga elemento ng PDEA Regional Office 4A (PDEA RO4A) sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Gatid, Sta. Cruz, Laguna.

Isinagawa ang operasyon matapos na makarating sa impormasyon ng PDEA-RO4A ang iba pang criminal acti­vities ni Chavez sa Sta. Cruz, Laguna. Bukod sa aktibidad nito sa iligal na droga, pinamunuan din umano ni Chavez ang isang grupong sangkot sa robbery at murder.

Ganap na alas-10 ng umaga nang mangyari ang operasyon makaraang makipagkasundo si Chavez sa nagpanggap na buyer ng droga mula sa PDEA agent na magpalitan ng items sa kanyang lugar. Nang iabot ni Chavez ang droga kapalit ang pera sa poseur-buyer ay agad itong inaresto ng iba pang nakaantabay na awto­ridad.  

Show comments