Human Rights investigator, kritikal sa pananambang
Manila, Philippines - Isang Human Rights investigator ang nasa malubhang kalagayan matapos pagbabarilin ng isang tricycle driver na umano’y bayaw ng naka-alitan nito sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Si Atty. Simplicio Abiong, 55, Special Investigator ng Commission of Human Rights at residente ng Brgy. Manresa sa lungsod ay inoobserbahan ngayon sa St. Theresita hospital bunga ng mga tama ng bala sa katawan.
Agad namang naaresto sa follow-up operation ng Quezon City Police Station 1 ang suspect na si Jerwin Escalante, 24, ng Mauban St., sa nasabi ring lugar.
Si Escalante ay inaresto matapos na banggitin ng biktima ang pangalan nito na siyang bumaril sa kanya bago pa ito mawalan ng ulirat at dalhin sa intensive care unit ng naturang ospital para operahan.
Ayon kay SPO1 Rolando Dapat ng CIDU, nangyari ang insidente sa kanto ng Biak na Bato at Mauban St. sa lungsod, ganap na alas-6:30 ng gabi.
Bago, ang insidente sakay umano ng kaniyang puting Mazda pick-up si Atty. Abong at tinatahak ang nasabing lugar papauwi nang biglang lapitan ng suspect at pagbabarilin sa katawan.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspect habang isinugod naman sa naturang ospital ang nasabing biktima.
Lumilitaw pa sa pagsisiyasat na si Escalante ay bayaw ng isang Ofelia Nicolas na umano’y nakaalitan ng abogado. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest
- Trending