MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na lalaki ang patay, habang isa pa ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng dalawa sa apat na kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon sa ulat, nakilala ang nasawi na si Leonel Catap, ng Muñoz St., Talanay Area B. Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Sugatan naman si Marites Alvero, 22, na tinamaan ng ligaw na bala sa katawan at ginagamot sa East Avenue Medical Center.
Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng apat na suspect na mabilis na tumakas gamit ang dalawang motorsiklo.
Nangyari ang insidente sa may bahagi ng Muñoz St., Brgy. Batasan Hills ganap na alas-8 ng gabi.
Diumano, nakaupo ang biktima sa nasabing lugar nang dumating ang mga suspect sakay ng dalawang motorsiklo. Mula rito ay bumaba ang mga angkas ng motorsiklo at nilapitan ang biktima saka pinagbabaril.
Samantala, nang mangyari ang pamamaril sa biktima ay papadaan naman sa lugar si Alvero kung kaya’t tinamaan ito ng ligaw na bala sa katawan. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa naturang insidente.