MANILA, Philippines - Isang hinihinalang upahang hitman at kasama sa most wanted person ang nadakip ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nadakip na si Emiterio Bagay, 53, ng South Signal Village, Taguig City. Nabatid na nahaharap ang suspek sa iba’t ibang kaso ng pagpatay at may patong na P90,000 sa ulo.
Sa ulat ng SPD, halos isang linggong tiniktikan ng mga tauhan ng Investigation Division ang pinagtaguang lugar ni Bagay sa South Signal Village bago siya tuluyang nadakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Jose Pilar ng Bangui, Ilocos Norte.
Si Bagay ang itinuturong pumatay sa kanyang bayaw na si Jackson Ravina sa Burgos, Ilocos Norte noong taong 2002 na itinanggi naman nito nang isailalim sa imbestigasyon.
Napag-alaman na tinutugis din si Bagay ng Ilocos Norte Provincial Police Office dahil sa hinalang isa umano ito sa hitman na ginagamit ng sindikato sa Ilocos Norte upang iligpit ang ilang mga kalaban sa pulitika.