MANILA, Philippines - Minalas ang isa sa tatlong holdaper ng pampasaherong dyip nang makasakay nila ang isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) na naging dahilan ng pagkakabaril at pagkamatay nito, habang ang dalawang kasamahan ay nakatakas kahapon ng madaling araw sa Ermita, Maynila.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nasawing suspect na inilarawan sa edad na 30 hanggang 35, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng kulay green na t-shirt, six-pocket shortpants at itim na tsinelas. Narekober sa kanya ang patalim na ipinantutok sa mga pasahero sa isinagawang holdap.
Nakatakas naman ang dalawa nitong kasamahan na armado rin ng patalim at baril. Dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng pampasaherong jeep (TWA-333) na minamaneho ni Leonardo Espinosa at bumabaybay sa Lagusnilad sa tapat ng Manila City Hall, Ermita Maynila.
Nabatid na sakay din sa jeep si PO1 Rhenel Rue, 29, ng PNP-SAF at residente ng Tamacan, Amadeo, Cavite nang maganap ang holdapan.
Sa pagkakataong iyon, hindi nagdalawang-isip si PO1 Rue at nagpakilalang pulis na sumita sa tatlo, subalit inundayan ito ng saksak ng nasawing suspect. Mabilis namang nakailag ang pulis na napilitang paputukan ang suspect. Dahil sa pagbulagta ng kasamahan, nagsitalon naman mula sa dyip ang dalawa pang kasamahan nito at tumakas.