Klase sa ilang lugar sa MM at Rizal sinuspinde
Manila, Philippines - Pinangatawan na ngayon ng mga lokal na pamahalaan ang responsibilidad sa pagsususpinde ng klase tuwing may malakas na ulan makaraang kanselahin kahapon ng mga lungsod ng Pasay, Parañaque, Taguig at bayan ng Pateros ang klase sa kanilang mga nasasakupang paaralan.
Alas-5:00 pa lamang ng madaling-araw ay inanunsiyo na ni Parañaque City Mayor Florencio Bernabe na walang pasok sa lahat ng antas sa kanilang lugar dahil sa malakas ang pagbuhos ng ulan kung saan pinangangambahan ang posibleng pagbaha.
Ayon naman kay Atty. Darwin Icay ng Public Information Office ng Taguig City, bandang alas-11:00 ng umaga nang ideklarang walang pasok ang panghapon na estudyante mula pre-school, elementary at high school sa pampubliko at pribadong paaralan.
Habang bandang ala-1:00 ng hapon ay sinuspinde na rin ang pasok sa City University of Pasay habang nauna nang idineklarang walang pasok ang pre-school, elementary at high school na pampublikong paaralan sa nasabing lungsod.
Base sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay dahil sa pinagsanib na lakas ng aktibong low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Una nang napagkasunduan ng mga bumubuo ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRMMC) kabilang nga mga lokal na pamahalaan at Department of Education na nasa kamay na ng local government officials ang pagsuspinde ng klase sa kanilang nasasakupan lalo na kung walang signal ng bagyo ngunit napakalakas ng ulan.
Maging sa ilang lugar sa Rizal ay nagsuspinde na rin ng klase, kabilang dito ang Antipolo, Cainta, Angono, Morong, Teresa at Rodriguez.
- Latest
- Trending