Ret. US Navy patay sa akyat-bahay

Manila, Philippines - Patay ang isang retiradong miyembro ng United States Navy makaraang pag­­sasaksakin ng mga hi­nihinalang miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” na nanloob sa tahanan nito sa loob ng isang eksklusibong subdibisyon sa Parañaque City, kahapon ng umaga.

Isinugod pa sa Para­ñaque Medical Hospital ang 60-anyos na si Miguel Armat, ng Brgy. BF Homes, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Parañaque City Police, naganap ang pananaksak sa biktima dakong alas-6 ng umaga kung saan naalimpungatan ang biktima nang marinig ang ingay dulot ng puwersahang pagpasok ng mga magnanakaw sa kanyang bahay.

Pinuntahan nito ang sanhi ng ingay ngunit sinalubong ang biktima ng saksak ng isa sa mga salarin bago mabilis na nagsitakas. Nabatid na tanging misis lamang ni Armat ang kasama nito sa naturang bahay nang maganap ang krimen.

Agad namang isinugod sa naturang pagamutan ng misis ang biktima ngunit nalagutan rin ng hininga dahil sa tindi ng pinsala ng saksak at pagkaubos ng dugo.

Inaalam pa ngayon ng pulisya kung nakunan ng nakakabit na closed circuit television camera (CCTV) ang pangyayari at ang hitsura ng mga salarin. Ina­alam pa rin naman kung anong mga gamit ang natangay ng mga magnanakaw sa naturang bahay.

Show comments