MANILA, Philippines - Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos ireklamo ng tatlong ulit na panggagahasa sa 14-anyos na pamangkin ng kaniyang misis sa Tondo, Maynila.
Kahapon ay iniharap ni Supt.Alexander Navarette kay Manila Mayor Alfredo S. Lim ang suspect na si Jordan Ramis, 25, at residente ng P. Fronda St. Tondo na positibong itinuro ng biktimang itinago sa pangalan “Kikay”, 2nd year high school, na dumaranas umano ng trauma matapos ang pinakahuling pangyayari ng rape nitong Hulyo 14, sa bahay ng kanyang tiyahin at suspect.
Una na umanong dinakip at ikinustodiya ang suspect sa tanggapan ni Brgy. Chairman Jose Arnaldo subalit nang makitaan ng kakaibang kilos ang biktima na depressed at nagtatangkang magpakamatay ay nagpasya ang mga magulang na magpasaklolo kay Lim para sa kaukulang aksyon.
Agad inatasan ni Lim si Manila Police District director C/Supt. Alejandro Gutierrez na arestuhin ang suspect at agad sampahan ng kaso. Ibinunyag pa ng magulang ng biktima na kilalang holdaper din umano ang suspect.