MANILA, Philippines - Natimbog muna sa isang drug buy-bust operation ang 27-anyos na drug pusher, bago natukoy na isa sa sangkot sa brutal na pagpatay sa isang pulis-Maynila na tinapyasan pa ng tenga matapos pahirapan at tadtarin ng bala sa ulo at katawan sa Port Area, Maynila sa ulat kahapon.
Bukod pa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) at posibleng pagsasampa na rin ng kasong murder kaugnay sa pagpatay kay SPO2 Teofilo Panlilio, 53, noong Hunyo 23, nahaharap din sa kasong illegal possession of firearms, ammunition and explosive ang suspect na si Zainal Kadil y Lidasan, 27, alyas Bulag at Zorro, tubong-Maguindanao at residente ng Block 9 Baseco Compound, Port Area, dahil sa nakumpiskang kalibre .38 na baril, granada at shabu.
Sa ulat ni PO3 Archie Bernabe ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs, kamakalawa ng umaga nang isagawa ang buy-bust operation sa tulong ng Baseco Community Precinct, kung saan nakabili ang poseur-buyer ng 3 maliliit na sachet ng shabu mismo sa suspect.
Sa beripikasyon, positibong kinilala ng testigo si Kadil na isa sa pumatay kay Panlilio at sa asset nitong si alyas Bangenge na magkahiwalay na natagpuan ang mga bangkay sa karagatang sakop ng Navotas City noong nakalipas na buwan.